450 squatters nademolis
MANILA, Philippines – Aabot sa 450 bahay ng mga informal settlers ang tuluyang nagiba sa ikinasang demolisyon nitong Sabado ng umaga sa Taguig City makaraang mabili na ang lupang kinatitirikan ng mga bahay ng isang pribadong kumpanya.
Wala nang nagawa ang mga residente ng Cayetano Ave. sa Bgy. Palingon nang baklasin ng demolition team ang kanilang mga bahay dahil sa pagkabigla sa ikinasang operasyon.
Ayon kay P/Supt. Celso Rodriguez, deputy chief ng Taguig City Police, nabili na umano ng Monocrete Construction Philippines ang katabing piraso ng lupa na kinatitirikan ng mga ginibang bahay.
Naging mapayapa naman ang demolisyon dahil sa presensya ng mga pulis habang ilan sa mga residente ay pumayag nang mabayaran ng P15,000 bawat pamilya ng Monocrete.
Ngunit ilan sa mga residente ang pumalag sa financial assistance makaraang ikatwiran na nasa korte pa umano ang usapin habang iligal umano ang demolisyon dahil sa wala namang ipinapakita sa kanila na court order at wala ring sheriff ng korte na nagtutungo sa lugar.
Pansamantala namang naglagay ng masisilungan sa gilid ng kalsada ang mga residenteng nawalan ng tirahan habang humingi ng tulong buhat sa lokal na pamahalaan ng Taguig.
- Latest