MANILA, Philippines – Mistulang naghugas-kamay ang pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa tumitinding problema sa trapiko sa Kamaynilaan makaraang ituro ang kakapusan sa “rail transit system” at maraming mga aksidente na siyang dahilan ng nararanasang perwisyo sa kalsada.
Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na ang pagiging huli ng bansa sa “mass rail transit system” ang isa sa dahilan kung bakit hindi makayanan ng mga pampublikong sasakyan ang napakaraming pasahero sa Metro Manila.
“Kailangan talagang ma-modernize ang mass transit system, malayo pa tayo in terms of railroad connection. Iyon po talaga ang makapagpapagaan sa ating trapik,” ani Tolentino.
Isa pang dahilan na tinukoy nito ang lumobong bilang ng sasakyan sa bansa dahil sa patuloy na pagbili ng mga bagong kotse lalo na sa mga pribado habang hindi naman natatanggal sa kalsada ang mga luma nang sasakyan.
Itinuro naman ni Tolentino sa naitalang 40 kabuuang aksidente sa kalsada sa matinding pagbubuhol sa trapiko nitong nakalipas na linggo.
Sa kabila nito, inamin ni Tolentino na nasa Cebu ang 59 nilang tauhan upang tumulong umano sa Asia Pacific Economic Forum (APEC) sa halip na mamahala ng trapiko sa Metro Manila.