MANILA, Philippines – Timbog ang tatlong ‘Batang Hamog’ matapos na magnakaw sa isang taxi, kamakalawa ng hapon sa Pasay City.
Ang mga suspek ay kinilala lamang sa kanilang pangalang Aris; RJ, kapwa 15-anyos at Tado, 8-anyos, ang mga ito ay nakatira sa panulukan ng FB Harrison at Libertad St., ng naturang lungsod.
Samantala, kinilala naman ang kanilang naging biktima na si Renato Teotesio, 56, taga-Bicutan, Taguig City.
Ayon sa report na natanggap ni Chairman Aros San Miguel, ng Brgy. 76, Zone 10 ng naturang lungsod, naganap ang insidente alas-3:29 ng hapon sa may Dampa, kahabaan ng Macapagal Ave. ng naturang lugar.
Nabatid na nakaparada ang pinapasadang taxi ni Teotesio sa naturang lugar habang ang mga suspek naman ay nagkukunwang nagtatawag ng pasahero.
Napansin ng mga suspek na bahagyang bukas ang bintanang salamin ng taxi ni Teotesio at dito sumalisi ang tatlo.
Habang lookout sina Tado at Aris, si RJ naman ang kumukuha ng pera sa taxi na nagkakahalaga ng P1,400, na kinita sa pamamasada ng biktima.
Napansin naman ito ng driver na si Teotesio, dahilan upang humingi ito ng tulong sa barangay, na nagresulta nang pagkakaaresto sa mga naturang ‘Batang Hamog’.
Dinala ang tatlo sa barangay at ayon sa ina ni Aris, ginulpi umano ang kanyang anak. Subalit, ayon sa barangay, ang gumulpi kay Aris ay ang sariling ina nito para magpakitang-gilas na dinidisiplina niya ang kanyang anak.
Sa rekord ng barangay, ang mga suspek ay sangkot sa ilang serye nang pagnanakaw sa naturang lugar at itinuring silang sakit ng ulo ng komunidad.