MANILA, Philippines - Nalambat ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang tatlo umanong holdaper ng pampasaherong bus ilang minuto matapos na muling umatake, kahapon ng umaga.
Kinilala ni QCPD director Chief Superintendent Edgardo Gonzales Tinio ang mga suspects na sina Pablo Castro, 39; Daniel Santos, 19, at Alfred Panglinan, 45, pawang mga residente ng Sampaloc, Manila.
Ayon kay Tinio ang mga suspect ay nadakip ng mga rumispondeng tropa mula sa Galas Police Station (PS-11) na pinamumunuan ni Police Superintendent Michael Macapagal, matapos na makatanggap ng impormasyon kaugnay sa naganap na panghoholdap sa isang pampasaherong bus sa kahabaan ng Quezon Avenue, sa lungsod, ganap na alas-8:30 ng umaga.
Diumano, sakay ang mga suspect ng EPJ bus Transit at binabaybay ang northbound ng Quezon Avenue nang pagsapit sa Brgy. Tatalon ay biglang nagdeklara ng holdap ang mga suspect.
Dito ay kinuha ng mga suspect ang bag ng pasaherong si Rhea Ramirez na naglalaman ng P2,000.00 at isang IPhone (P4,000).
Pero habang busy sa pangungulimbat ang mga suspect, nagawang makababa ng biktima sa bus at makahingi ng tulong sa tropa ng PS11 na nasa lugar.
Agad namang rumesponde ang mga operatiba na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspect. Narekober sa mga ito ang dalawang baril at isang patalim na ginamit nila sa panghoholdap.