MANILA, Philippines - Pinawalang-sala kahapon ng hukuman ang isang pulis, na miyembro ng Special Action Force (SAF) na akusado sa pambobomba sa isang pampasaherong aircon bus na ikinasawi ng limang katao at ikinasugat ng 15 pa na naganap noong Enero, 2011 sa Makati City.
Sa 22-pahinang desisyon ni Judge Carlito B. Calpatura, ng Makati City Regional Trial Court (RTC), Branch 145, pinawalang-sala nito ang akusadong si PO2 Arnold Mayo kaugnay sa mga kasong multiple murder at multiple frustrated murder na kinaharap nito.
Sa record ng korte, nabatid na noong Enero 25, 2011, ala-1:30 ng hapon, isang pagsabog ang naganap sa Newman Gold Liner, ( TXJ-710) na minamaneho ni Maximo Peligro habang binabagtas nila ang northbound lane ng EDSA-Buendia Avenue, Makati City, na nagresulta sa pagkasawi ng limang katao at 15 ang sugatan.
Noong Nobyembre 6, 2012, sinampahan ng nabanggit na mga kaso si PO2 Mayo matapos itong arestuhin ng PNP-Criminal Investigation and Detective Group (CIDG).
Subalit, ang naturang akusasyon ay pinabulaanan ni PO2 Mayo, dahil ayon dito, nang maganap ang pagsabog ay nasa Basilan siya. Nagprisinta din ito ng mga ebidensiya na nagpapatunay sa kanyang alegasyon
Kung kaya’t noong Abril 29, 2013 ay nagsampa siya ng petition for bail, subalit, hindi siya pinayagan ng hukuman.
Sa apat na taong pagdinig, napatunayan ng korte na walang sapat na ebidensiya na direktang nagtuturo kay PO2 Mayo na responsable ito sa naganap na pagsabog.