Binata binoga ng parak dahil sa utang na bigas

MANILA, Philippines – Nasa malubhang kalagayan ang isang binata makaraang barilin ng isang pulis dahil sa pagkakautang ng una na kala­hating kabang bigas, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Inoobserbahan ngayon sa Quezon City General Hos­pital nang magtamo ng tama ng bala sa sikmura ang biktimang si Gabriel Cagorol, Jr., 26, ng Muñoz Street, Del Mundo Village, Brgy. 167 Llano, ng natu­rang lungsod.

Pinaghahanap naman nga­yon ang tumakas na suspek na inisyal na nakilalang si PO1 Arambolo, kasama ang ama nito.

Sa ulat, dakong alas-10:30 ng gabi nang pasukin ng suspek at ama nito ang bahay ni Cagorol at kinom­pronta ukol sa hindi na­ba­bayarang utang na kalaha­ting sako ng bigas.

Nagkaroon ng pagtatalo hanggang sa paputukan na ng suspek si Cagorol saka mabilis na tumakas bitbit ang baril na gi­namit. Pinaghahanap ngayon ng pulisya ang naturang suspek na nahaharap sa kasong frus­trated homicide.

Show comments