Tanggapan ni Sen. Marcos, tinamaan ng bala ng baril

MANILA, Philippines – May tama ng bala ng baril ang tanggapan ni Senator Ferdinand “Bong Bong” Marcos Jr. na nadiskubre kahapon ng umaga sa Pasay City.

Dahil dito nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang Pasay City Police at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa tanggapan ni Senador sa Sunset View Towers, na matatagpuan  sa Roxas Boulevard ng naturang lungsod.

Ayon sa ulat tumama ang bala sa  glass window nito at  ayon sa pagsusuri Pasay City ng Scene of the Crime Ope­ratives (SOCO) ng Southern Police District ay eksaktong nakatapat ang tumamang bala sa receiving area, na dating ginagamit na desk ng Senado.

Gayunman, hindi pumasok ang bala sa kuwarto dahil may metal plate na nakaharang sa salamin at durog-durog na tingga na lamang buhat sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril ang na-rekober.

Ayon kay Senior Supt. Joel Doria, Officer-In-Charge ng Pasay City Police, inaalam pa nila  kung sinadya ang pamamaril o accidental firing lamang ito.

Sinabi pa ni Doria bandang alas-3:00 kamakalawa ng hapon nang maganap ang insidente at kahapon ng alas-10:30 ng umaga nang i-report sa kanilang tanggapan ang nasabing insidente.

Show comments