MANILA, Philippines - Isang babae ang nasawi makaraang atakehin sa puso sa sumiklab na sunog na tumupok sa isang pabrika ng tela malapit lang sa nasunog na Kentex factory sa Valenzuela City, kahapon ng umaga.
Sa inisyal na ulat, dakong alas-11:45 ng umaga nang unang sumiklab ang apoy sa Larry’s Textile factory sa may JB Juan St., Brgy. Ugong, ng naturang lungsod. May kalahating kilometro lamang ang pabrika sa natupok na Kentex.
Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan sa nasawi na residente malapit sa pabrika na nag-panic at inatake sa puso nang lumaki ang apoy. Wala namang iba pang naiulat na nasaktan o nasawi sa loob ng pabrika.
Nabatid na dakong alas-12 ng tanghali nang itaas ang alarma sa Task Force Bravo at nirespondehan ng higit sa 20 trak ng bumbero. Habang isinusulat ito ay patuloy pa ang pakikipaglaban ng mga tauhan ng Valenzuela Fire Department at mga volunteer fire group sa apoy.
Sinabi ni Ray Sousa, tagapagsalita ni Mayor Rex Gatchalian na kanilang ipakakansela ang business permit ng naturang pabrika at idineklarang “dangerous structure”.
Ito ay makaraan na mapansin ang ilang paglabag sa istruktura ng gusali at nakadikit na mga iskuwater sa bisinidad.
Ayon naman sa mga residente, dati na umanong nasunog ang pabrika ngunit nagpalit lamang ng pangalan at muling nakapag-aplay ng business permit.