MANILA, Philippines - Ang pagbabantay sa mga lansangan ang pangunahing tutukan ngayon ng Quezon City Police District (QCPD) alinsunod sa programa ng Philippine National Police (PNP) upang masugpo ang anumang krimeng nagaganap sa lungsod. Ito ang sinabi ni Chief Supt. Edgardo Tinio matapos ang pormal na pag-upo bilang bagong talagang director ng QCPD kahapon sa isang simpleng sermonya na ginanap sa headquarters sa Camp Karingal.
Ayon kay Tinio, pagsisilbihan ng kanilang kapulisan ang publiko sa araw man o sa gabi para lalong mas epektibo ang kanilang programa, alinsunod na rin ng mandatong ibinigay ng Philippine National Police. Si Tinio ay naupo bilang director ng kagawaran kapalit ni Chief Supt. Joel Pagdilao na itinalaga naman bilang bagong hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO). Siya ay dating acting executive officer ng Directorate for Integrated Police Operations (DIPO) sa Southern Luzon.
Nilinaw ng heneral na ang pagpapatrulya sa mga lansangan ang magsisilbing ugat para sa pinaplantsa nilang transformation program para makuha nila ang inaasam na pagsugpo sa krimen sa lungsod. Hinamon din nito ang may 3,000 miyembro ng QCPD na mas paigtingin ang community activities mas lalong mapalapit sa mga mamamayan na siyang tutulong para makapagbigay agad ng impormasyon kapag may nangyayaring krimen.