MANILA, Philippines - Tuloy ang demolisyon ng Quinta Market at sa anim na iba pang public market sa lungsod.
Ito ay matapos umanong ibasura ng Manila Regional Trial Court ang petisyon ng Quinta Public Market Association hinggil sa demolisyon nito.
Ayon kay Manila Mayor Joseph Estrada, nakasaad na walang legal na karapatan ang mga vendors upang hadlangan ang rehabilitasyon na bahagi ng urban renewal ng lungsod.
Ang rehabilitasyon ng Quinta Market ay isasagawa ng Market Life Management and Leasing Corporation sa bisa na rin ng Manila Joint Venture Ordinance 8346.
Paliwanag ni Estrada, kailangan nang isailalim sa rehabilitasyon ang palengke na 80-anyos na dahil na rin sa panganib na dulot nito. Hindi umano niya maaaring isapalaran ang kapakanan ng mga vendors at mamimili.
Ikinababahala ng mga vendors na makuha ng ibang nais na magpuwesto ang kanilang mga puwesto sa palengke samantalang matagal na umano silang nakapuwesto dito.
Ilalagay pansamantala ng mga vendors sa gilid ng establisimyento na maliit ang sukat kumpara sa kanilang kasalukuyang lugar. Inirereklamo din ng mga vendors ang maliit na puwesto subalit mataas na singil ngayong napipinto ang rehabilitasyon ng Quinta Market.
Anim pang mga palengke ang sasailalim din sa rehabilitasyon.