MANILA, Philippines - Dalawamput-anim na pasahero ang nasugatan makaraang sumalpok ang sinasakyan nilang bus sa isang poste sa may EDSA- Santolan flyover sa lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi.
Base sa ulat ng Quezon City Police District Traffic Sector 3, ang mga nasabing biktima ay agad namang nalapatan ng lunas sa isang ospital dito matapos na magsipagtamo ng mga sugat at mga galos sa kanilang mga katawan.
Ayon kay PO3 Perlito Datu, imbestigador ng TS-3, nangyari ang insidente sa northbound lane ng EDSA-Santolan Flyover, Brgy. Camp Aguinaldo, dakong alas-9:30 Martes ng gabi.
Diumano, mabilis na binabaybay ng Daewoo-Worthy transport bus (AEL-989) na minamaneho ni Dennis Carillanes, 25, ng Caloocan City ang northbound lane ng EDSA-Santolan nang pagsapit sa harap ng Camp Aguinaldo ay biglang kumabig ito at direktang tinumbok ang nakatayong poste sa lugar.
Dahil sa lakas ng impact, nawasak ang windshield at natuklap ang unahang bahagi ng bus na biyaheng Pacita-Fairview na ikinasugat ng mga pasahero nito.
Depensa ng driver, may sumingit anya sa kanyang sasakyan kung kaya napakabig siya at bumangga sa poste.
Kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries ang kinakaharap ngayon ng driver ng bus habang nakapiit sa nasabing himpilan. (Ricky T. Tulipat)