Holdaper arestado sa Quiapo
MANILA, Philippines - Arestado ang isang pinaniniwalaang holdaper nang sumigaw ng tulong ang isang taxi driver na kanyang sinakyan kamakalawa sa Quiapo, Maynila.
Kinilala ni MPD-Plaza Miranda PCP commander, Sr. Insp. Rommel Anicete, ang suspek na si Bulkea Amir, 23 ng B6 Singkamas St. Marikina City.
Ayon kay Anicete, nagsasagawa siya ng checkpoint sa gilid ng Quiapo Church, Quezon Blvd. kasama si Sr. Insp. Eduardo Pama nang biglang bumaba at lumapit sa kanila ang taxi driver na si Merari Salcedo, 57 ng AFJ taxi na may plakang UVA-843.
Sinabi ni Salcedo kina Anicete na may baril ang kanyang pasahero kaya’t agad namang pinalibutan ang taxi at kinausap ang suspek at pinababa.
Agad namang kinumpiska ni PO1 Rosario Cueto, Jr. ang improvised handgun o sumpak ng suspek at pinosasan nina PO1 John Pierre Bautista at PO1 Christopher Duran.
Nabatid kay Anicete na posibleng nais na holdapin ng suspek ang taxi driver subalit agad din namang nakahingi ng responde sa mga pulis.
Sinampahan na ng kasong illegal possession of firearms ang suspek habang ikinulong din ito sa MPD-Station 3.
- Latest