Drug lord harapang itinurong utak sa pagpapasabog sa Bilibid

Bilangguan

MANILA, Philippines - Harapan na ang ginawang pagtuturo ng dalawang inmate ng New Bilibid Prison (NBP) sa isang convicted druglord  na siya umanong  utak sa pagpapasabog sa loob ng nasabing piitan noong nakalipas na Enero, sa isinagawang preliminary investigation sa National Bureau of Investigation (NBI), kamakalawa ng hapon.

Sa unang pagkakataon ay pinagharap ng NBI sina Tony Co, ang sinasabing utak sa pagpapasabog, kasama ang kanilang mga abogado  kaugnay sa imbestigasyon sa pagsabog noong Enero 8, 2015 kina Joey Aquino at Luther Sabado na nag­sabing may intensiyon umanong ipapatay ng una ang karibal sa drug trade na isa ring convicted inmate sa NBP na si Jaybee Sebastian.

Mariin naman itong itinanggi ni Co. Bukod kay Co at 18 iba pang NBP inmates  ay nasa detention facility ng NBI si­mula pa noong Disyembre kaugnay sa napaulat na VIP treatment sa loob ng maximum security compound at ang patuloy na drug trade kahit sila ay nasa piitan.

Nabatid na ang dalawang witness ay kapwa rin nailipat sa kustodiya ng NBI para sa kanilang seguridad kasunod ng pagbubunyag hinggil sa pagpapasabog na ikinasawi ng inmate na si Jojo Fampo at pagkasugat ng 19 na iba pa.

Una nang nakasuhan ng NBI sina Co, Jerson Das­ma­riñas, Rosendo Brillo, Niño Garin, Richard Nuñez, He­­herson­ Lensico, isang  Gerry­ Tilkapia at isang alyas “Baldwin­”.

Ang mga nasampahan ng reklamo ay ang may kinalaman sa tangkang pagpatay kay Sebastian o pagpapa­sabog na ikinasawi ni Fampo kung saan itinurong naghagis  ng granada si Brillo subalit naglakad papalayo si Se­bastian kaya hindi naapek­tuhan ng pagsabog.

Show comments