QC Human Milk Bank, umarangkada

Sina Quezon City Mayor Herbert Bautista at Vice Mayor Joy Belmonte  makaraang pormal na buksan kahapon sa Quezon City General Hospital ang Human Milk Bank  na naglalayong mapangalagaan ang kalusugan ng mga sanggol lalu na nga ang mga hindi nabibigyan ng gatas ng kanilang mga ina. Boy Santos

MANILA, Philippines – Pinangunahan kahapon nina Quezon City  Mayor Herbert Bautista at Vice Mayor Joy Belmonte ang paglulunsad  sa  QC Human Milk Bank  sa QC General Hospital upang matiyak na magiging malusog ang mga sanggol sa lungsod dahil sa sustansiyang maku­kuha sa gatas ng ina.

Ang pagkakaroon ng QC Human Milk Bank ay unang naaprubahan ng QC Council para makapagbahagi ng gatas ng ina sa mga sanggol na nasa kritikal na kalagayan.

“May mga ina na hindi makapagbigay ng kanilang gatas at para mapunan ang kailangang sustansiya ng isang sanggol mula sa gatas ng ina ay maibibigay ito sa kanila ng Milk Bank,” pahayag ni Bautista.

Sinabi naman ni Belmonte na ang programang ito ay ipi­napatupad upang maabot ang hangarin ng pamahalaang lungsod na maisulong ang breastfeeding ngayong 2015 para sa kalusugan ng mga sanggol.

“Ang Milk Bank po ay nagkakaloob ng libreng gatas ng ina para sa mga sanggol hindi lamang sa mga taga-QC kundi pati na rin sa iba pang nangangailangan nito mula sa mga karatig-lugar at sa tulong at suporta na rin ng mga inang mayroong maraming gatas ay libre rin po nila itong naibi­bigay sa milk bank,” dagdag ni Belmonte.

Sinabi rin naman ni Bau­tista na bilang Presidente ng Metro Manila Mayors League ay hihikayatin din niya ang iba pang lokal na pamahalaan na magkaroon ng programang katulad nito para pangalagaan ang kalusugan ng mga sanggol.

Hinikayat din nito ang pamunuan  ng QC General Hospital na palakasin ang referral system ng pagamutan upang mapabilis ang serbisyo sa mga pasyente.

Inatasan din nito ang QC Budget Department ng pag­papalakas sa mga programang pangkalusugan sa lungsod partikular sa mga Person With Disability (PWD) o mga taong may kapansanan.

Show comments