Guro bulagta sa tandem
MANILA, Philippines - Utas ang isang babaeng public school teacher makaraang pagbabarilin ng riding- in-tandem sa Brgy. Commonwealth sa lungsod Quezon, kahapon.
Sa inisyal na impormasyong ibinigay ni Senior Supt. Maricar Taqueban, hepe ng Public Information Office ng Quezon City Police District (QCPD), nakilala ang nasawi na si Cheryl Bonifacio, 35, guro sa Commonwealth Elem. School.
Agad namang tumakas ang mga salarin na pawang nakasuot ng jacket at helmet sakay ng isang motorsiklo na hindi naman naplakahan.
Sa inisyal na ulat, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Tabigo St., ng nasabing barangay, ganap na alas-11:30 ng umaga.
Naglalakad umano ang biktima sa lugar kasama ang dalawang co-teachers galing ng paaralan nang biglang sumulpot ang isang motorsiklo sakay ang mga suspect at pinagbabaril ang una.
Ayon sa mga co-teachers ng biktima, mabilis ang pangyayari dahil bigla na lamang may pumutok hanggang sa makita nila ang biktima na duguang humandusay.
Agad namang tumakas ang mga suspect matapos isinagawa ang krimen.
Sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad upang matukoy ang tunay na motibo ng pamamaril sa biktima.
- Latest