Mag-live in itinumba

MANILA, Philippines – Kapwa nasawi ang isang lalaki at ang umano’y kinakasama nitong babae makaraang tadtarin ng bala ng limang lalaki, kahapon ng madaling-araw sa Malabon City.

Nakilala ang mga biktima na sina Ignacio Recto, alyas “Boy Recto”, 56; at Norma Clemente Villanueva, 56, isang kasambahay, kapwa naninirahan sa Ilang-Ilang Street,  Brgy. Maysilo, ng naturang lungsod.

Sa inisyal na ulat ng pulisya, pinasok ng limang armadong lalaki ang bahay ng mga biktima dakong alas-12:10 ng madaling araw hanggang sa makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril ang mga kapitbahay.

Agad na tumakas ang mga hindi nakilalang salarin matapos ang pamamaril habang bigo ang pulisya na makapagsagawa ng operasyon upang mahabol at maaresto ang mga ito. Nagpadala na lamang ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang pulisya na kumuha ng mga ebidensya sa lugar ng krimen.

Patuloy rin namang blangko ang pulisya sa motibo ng naturang pamamaslang dahil sa tikom ang bibig ng mga residente at walang nais magprisinta na saksi dahil sa posibleng takot.

Show comments