MANILA, Philippines – Utas ang isang 59-anyos na bar owner na hinihinalang inatake sa puso sa gitna ng takot habang siya ay iginagapos nang holdapin sa loob ng kanyang sasakyan sa Intramuros, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Matigas na ang bangkay ng biktimang si Angel Dy, may-ari ng Khaga Resto Bar na matatagpuan sa Intramuros, Maynila at residente ng Parañaque City. Nakagapos ang kanyang mga kamay at paa ng duct tape na ipinuwesto sa likod na bahagi o passenger seat ng kanyang Montero (TQV 527).
Nadiskubre siyang patay ng isang Valentino Abucay, 22, waiter at empleyado ng biktima nang puntahan umano nito ang sasakyan ng amo na nakaparada sa P. Burgos St. Ermita, Maynila.
Sa ulat ni PO2 Dennis Turla, ng Manila Police District-Homicide Section,dakong alas-3:40 ng madaling-araw nang matagpuang walang buhay sa likurang bahagi ng kanyang sasakyan ang biktima at nawawala rin ang clutch bag na naglalaman ng mahahalagang dokumento at cash.
Nabatid na ang biktima ay palaging dumadaan sa kanyang bar sa Intramuros upang mag-tsek bago ito umuwi sa kanyang bahay.
Nagawang hanapin umano ng waiter ang sasakyan ng amo nang tumawag sa kanila ang misis ng biktima dahil hindi pa ito umuuwi at doon namataan ang sasakyang nakahimpil. Nadiskubre itong hindi na gumagalaw sa loob ng sasakyan at may palatandaang pinahirapan. Maaaring inatake umano sa puso ang biktima na dati na umano nitong sakit.