Kalabaw nagwala, nanuwag: 6 katao sugatan

Ang inahing kalabaw na kumawala, nagwala at nanuwag ng anim katao sa Cubao. Boy Santos

MANILA, Philippines – Swak sa kulungan ang driver at pahinante ng isang 10- wheeler truck na sinakyan ng nakawalang kalabaw at na­nuwag  ng mga tao sa daan dahilan para masugatan ang anim katao kahapon ng umaga sa Quezon City.

Kinilala ni P/Supt. Marlo Martinez ang mga nakapiit na sina Domingo Nocedal, 32, driver ng  truck;  mga pahinante na sina Adrian Frisco, 25; Edwin Perez at Dante Flaresca, 39.

Kinasuhan ang mga ito ng multiple  injuries sa Quezon City Prosecutor’s office.

Nasugatan naman nang suwagin ng nakawalang kalabaw sina Jonet Rubino, matadero ng Mega Q-Mart; call center employee na si Maria Betty Tanion; Brgy. Tanod na si Cornelio Serrano; Mr. & Mrs  Bernardini Makato na magkaangkas sa motorsiklo at isang hindi nakilalang staff ng isang apartelle sa Cubao.

Sinasabing dakong alas-5:00 ng umaga kahapon nang makawala ang isa sa mga kalabaw na sakay ng naturang truck na galing sa Naga City at dadalhin sa Mega Q-Mart.

Hindi pa man nadadala ang kalabaw sa naturang palengke, bigla na lamang umano itong nagwala at nakawala sa trak da­hilan para mapunta ito sa lansangan at saka isa-isang sinuwag ang makasalubong na tao roon.

Bago ito, napasok din ng nagwawalang kalabaw ang nasabing apartelle sa E. Rodriguez Ave., Cubao at  kasunod  na pinasok  ang isang call center sa likod  ng Farmers market  sa Araneta Center.

Nang rumesponde naman ang mga tanod at pulis QC ay nahuli rin ang kalabaw na nasa harapan ng naturang call center building sa Araneta Center.

Dinala naman sa iba’t ibang pagamutan sa Quezon City ang mga nasugatan sa insidente bago nagreklamo sa Cubao Police Station 7.

Ayon kay Cornelio de Guzman, manager ng Mega Q- Mart at Josie Banez, dealer ng kalabaw sa palengke na sasagutin nila  sa ospital ang mga  sinuwag ng kalabaw.

Show comments