MANILA, Philippines - Isang hindi pa kilalang lalaki ang itinumba ng tatlong lalaki na pinaniniwalaang kakilala niya, makaraan lamang ang ilang minutong pakikipag-usap sa Bonifacio Drive, Port Area, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Inilarawan lamang ang biktima sa edad 25-30, may taas na 5’4’’, nakasuot ng itim na jacket, maong na pantalon at rubber shoes. Nagtamo ito ng tama ng bala sa ulo at katawan.
Sa ulat ni PO3 Marlon San Pedro, ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-4:45 ng madaling-araw nang makita umano ang biktima na nakikipag-usap sa dalawang suspek sa Bonifacio Drive, malapit sa panulukan ng 11th St., Port Area.
Hindi nagtagal ay pinutukan ng baril ng isa sa dalawang suspek ang biktima at nagsitakbo na ang dalawa. Kahit nakabagsak na sa kalye ay may isa pang lalaki umanong dumating at muling binaril ang biktima saka tumakas din.
Inaalam pa ang pagkilanlan ng mga suspek at motibo sa krimen na pinaniniwalaang matinding atraso dahil siniguro na patay ang biktima bago iwanan.