‘Akyat bahay gang’ muling sumalakay
MANILA, Philippines - Muling sumalakay ang grupo ng mga kawatan na miyembro ng ‘Akyat bahay gang’ sa tahanan ng isang ginang at kanilang natangay ang tinatayang nasa P1-milyong halaga ng pera at ari-arian sa Marikina City, kamakalawa ng gabi.
Ang biktima ay kinilalang si Carolina de Lara, 58, may-asawa na nakatira sa Magat Salamat St., Marikina City,
Nabatid na dakong alas-8:45 ng gabi nang matuklasan ng ginang na pinasok sila ng mga kawatan na sinira at tinanggal ang bintana ng kanilang tahanan.
Sa reklamo sa pulisya ni Carolina, sinabi nito na maghapon silang wala sa kanilang bahay at pag-uwi nito ay doon na nalaman na nawawala na ang kanilang mga importanteng kagamitan tulad ng jewelry box na naglalaman ng mamahaling alahas, pera, dalawang laptop at iba pa.
Anang ginang, ni-ransacked at binuwag pa ng hindi pa nakikilalang mga suspek ang kanilang mga kuwarto at damit saka tinangay ang lahat ng maaaring mapakinabangan kabilang na ang original land title nila sa Bulacan.
Kaugnay nito, iniutos na ni Sr./Supt. Vincent Calanoga, hepe ng Marikina City Police sa kanyang mga tauhan na nagsasagawa ng follow-up operation upang matukoy at madakip ang mga suspek.
- Latest