Paslit, patay sa jeep
MANILA, Philippines - Patay ang isang 6-anyos na batang babae makaraang mabundol at masagasaan ng isang pampasaherong jeep habang ang biktima ay naglalaro sa harap ng kanilang bahay sa Marikina City, kamakalawa ng gabi.
Ang biktima ay nakilalang si Reese Isabel Fuentes Abonita, residente ng J.P. Rizal Interior, Brgy. Malanday, Marikina City.
Si Abonita ay hindi na umabot nang buhay sa Amang Rodriguez Memorial Hospital bunsod nang tinamong matinding pinsala sa ulo.
Nahaharap na sa kasong reckless imprudence resulting to homicide ang driver na si Alfredo Custodio, 19, ng JP Rizal, Brgy. Malanday, Marikina City.
Sa imbestigasyon ni PO3 Aniano Aguado ng Marikina Traffic Police, nabatid na dakong alas-6:30 ng gabi habang naglalaro ang paslit nang mabundol at masagasaan ng jeepney na (DJW-483) na minamaneho ni Custodio.
Nagulat na lang si Custodio nang marinig na tila may tinamaan ang gulong ng kanyang sasakyan at nang kanyang tingnan ay nakita ang biktima na nakabulagta sa kalsada. (Mer Layson)
- Latest