Nambulabog sa natutulog, tinodas

MANILA, Philippines - Minsan pang napatuna­yan ang kasabihang “Magbiro ka na sa lasing, huwag lang sa bagong gi­sing” ay nagdudulot ng kapahama­kan.

Ito ay makaraang isang 55-anyos na lalaki ang nasawi habang sugatan naman ang kaibigan nito nang atakehin sila ng saksak ng isang hindi nakikilalang lalaki na nagalit matapos na istorbohin nila ang pagtulog sa isang kalye sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.

Sa ulat ni PO1 Anthony Magallon, nakilala ang nasawi na si Buenaventura Andaya, habang sugatan naman si Vincent Ramirez, 24, kapwa ng Brgy. San Martin de Porres, Cubao sa lungsod.

Ayon kay Magallon, ma­bilis namang tumakas ang salarin makaraan ang krimen.

Nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Aurora Blvd. Road, kanto ng Pinatubo St., Brgy. San Martin de Porres, ganap na alas- 4:30 ng hapon.

Sa imbestigasyon ni Magallon sa sugatan si Ramirez, sinabi nitong, bago ang insidente, naglalakad silang dalawa sa nasabing lugar nang istorbohin umano ni Andaya ang isang suspect na mahimbing na natutulog sa harap ng isang drug store sa nasabing lugar.

Mula dito, bumangon ang nasabing lalaki saka inatake silang dalawa ng saksak sa katawan.

Kasalukuyang nagsasagawa ng follow-up investigation ang awtoridad para matukoy ang suspect.

 

Show comments