200 pamilya sa danger zones, naka-‘condo’ na ngayon
MANILA, Philippines – Nailipat na sa condo-type housing units ng pamahalaang lungsod ng Caloocan ang higit sa 200 pamilya na naninirahan sa mga “danger zones” sa lungsod upang hindi na maging problema ng pamahalaan kapag panahon na naman ng tag-ulan.
Sinabi ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan na nasa 212 pamilya o 848 indibidwal ang kanila nang nai-relocate sa dalawang batches. Nagmula umano ang mga pamilya sa barangays 160, 163, 162, 164 na naninirahan sa gilid ng Tullahan river.
Inilipat ang mga ito sa Camarin Residences na proyekto ng National Housing Authority (NHA) sa Camarin, Caloocan at donasyon naman ng lokal na pamahalaan ang lupain. Ngunit hindi umano libre ang bagong tirahan ng mga benepisaryo na kailangang magbayad ng P600 hanggang P1,200 kada buwan depende sa puwesto ng kanilang units. Magbabayad ang mga residente sa loob ng 10 taon.
Bukod sa mga inilipat sa Camarin Residences, nasa 72 pamilya rin ang ini-relocate sa “off-city relocation site” sa Pandi, Bulacan na townhouse style naman ang mga itinayong pabahay. Nagmula ang naturang mga pamilya sa barangays 64 at 73.
Aabot sa 2,700 units ang ipinatayo ng lokal na pamahalaan sa naturang lugar na babayaran ng bawat pamilya ng P200 kada buwan sa loob ng 20 taon.
- Latest