MANILA, Philippines – Nasa balag ng alanganin ang anim na miyembro ng isang istasyon ng pulisya sa lungsod Quezon, matapos na ireklamo nang tangkang pangongotong at pananakit sa isang 37-anyos na lalaki na hinuli nila sa bintang na sangkot sa iligal na droga sa lungsod Quezon.
Ang insidente ay nabatid makaraang dumulog sa himpilan ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Group ang biktimang si Sonny Verzosa, kasama ang kanyang asawang si Robelyn Verzosa, 36, office staff, at kapatid na si Laura Justo-Versoza, 41 para magreklamo laban sa mga anim na pulis na nakatalaga sa Police Station 4.
Samantala, pansamantala namang hindi tinukoy ng CIDU ang pagkakakilanlan ng anim na pulis na positibong tinuro ng mga biktima, upang hindi mabalam ang isinasagawang imbestigasyon.
Ang umano’y pangongotong ay ginawa ng mga pulis matapos na arestuhin ng mga ito si Sonny Versoza, dahil sa umano’y iligal na droga.
Base sa salaysay ni Sonny kay SPO2 Julius Rempillo, imbestigador ng CIDU, nangyari ang insidente noong March 5, 2015, ganap na alas-8:30 ng gabi sa kanilang bahay sa Novaliches.
Diumano, habang kumakain umano si Sonny ay biglang dumating ang mga nasabing pulis na nakasibilyan at agad siyang pinosasan. Dahil shock, nakipagpambuno pa si Sonny sa mga pulis pero nakaladkad na siya ng mga ito palabas saka dinala sa presinto.
Dito ay pinagbintangan umano siya ng mga pulis na may nabili silang shabu sa kanya, saka kinausap at hinihingan ng halagang P100,000, para makalaya.
Kung wala anya siyang maibibigay ay ino-no-bail anya siya ng mga ito.
Pero dahil wala naman umanong nakuhang shabu kay Sonny ay tumanggi itong magbigay ng hinihinging cash dahilan para ipasok siya sa kulungan. Kinausap umano ng mga pulis ang kanyang asawang si Robelyn patungkol sa kanilang hinihingi.
Nagpakita din si Sonny ng medical certificate na nagpapatunay na siya ay sinaktan ng mga nasabing pulis.
Gayunman, wala anya silang nailabas na naturang halaga, matapos na magsumbong ang isang kaanak ng biktima sa isang programa kung saan matapos nito, dakong alas-9 ng March 6, 2015 ay pinalabas na si Sonny sa presinto.
Sa kasalukuyan, inihahanda na ng CIDU ang kasong isasampa laban sa mga inirereklamong pulis.