Sanggol dinukot ng ‘doktor’ sa ospital

MANILA, Philippines - Isang kasisilang pa lamang na sanggol na lalaki ang tina­ngay sa loob ng isang ospital ng isang babaeng nagpanggap na doktora sa lungsod Quezon, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.

Sa ulat ng Quezon City Police Station 2, ang nawawalang sanggol na isang baby boy ay  tatlong araw pa lamang isinilang sa may Dr. Montano Ramos General hospital na matatagpuan sa Bukidnon St., Brgy. Bago Bantay sa lungsod.

Base sa imbestigasyon ni PO2 Armalyn Omasang, nangyari ang insidente sa room 314 na matatagpuan sa ikatlong palapag ng naturang ospital, ganap na alas -6:35 kamakalawa ng umaga.

Ayon kay PO2 Omasang,  ang sanggol ay isinilang March 5, 2015 sa pamamagitan ng cesarean delivery.

Lumilitaw na bago ang insidente, isang babae ang sumulpot sa kuwarto ng biktima at nagkunwaring isang resident doctor ng ospital.

Sa ganitong tagpo ay nagising ang natutulog na tatay ng sanggol na si Ronnel Salvador, 28, at sinabihan ng suspect na kukunin muna niya ang baby para tignan ang heartbeat at para sa injection, saka antayin nito ang ibibigay niyang prescription.

Dahil sa pag-aakalang resident doctor nga ang suspect sa ospital, ipinagkatiwala niya dito ang kanyang baby. Pero habang hinihintay ang prescription ay tinanong ni Ronnel ang mga nurse hinggil sa prescription ng doktor, pero sinabihan siya ng nurse na hintayin na lang ang doktor sa kanilang kuwarto. Pero dahil kinuha na ang sanggol ng inakalang doktora ay sinabi ni Ronnel sa nurse na may pumunta nang doktor at kinuha ang kanyang anak para kunin ang heartbeat at saka indyeksiyunan.

Sa puntong ito, nagulat ang nurse at mga kawani ng ospital at hinanap ang sanggol, habang si Ronnel naman ay nagpunta sa information desk para tingnan ang CCTV footage.

Matapos ma-review ang CCTV footage ay nakita rito ang sinasabing doktora na positibong kinilala ni Ronnel at Merly na siyang babae na nagpakilalang resident doctor at tumangay sa biktima.

Nagsasagawa na ng follow-up operation ang awtoridad sa nasabing insidente.

 

Show comments