MANILA, Philippines - Himas rehas ngayon ang isang lalaki makaraang maaresto ng mga awtoridad sa isinagawang entrapment operation dahil sa pangongotong sa kanyang naging kasintahang empleyada ng halagang P3,000 kapalit ang hindi pagbubunyag ng una ng kanila umanong pagtatalik sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Sa ulat ng Quezon City Police District Station 2, nakilala ang suspect na si Jungie Banico, 34, technical supervisor at residente ng, Brgy. Rosario Pasig City.
Siya ay inaresto base sa reklamo ng isang alyas Nenita, government employee at residente ng Brgy. San Roque, Antipolo City.
Lumilitaw sa pagsisiyasat ni PO2 Sherly Montaño, isinagawa ang entrapment operation sa gilid ng isang donut house na matatagpuan sa 2nd Level ng Fishermall, Brgy. Sta Cruz, ganap na alas- 8, Huwebes ng gabi.
Bago ito, base sa ulat, ang biktima at ang suspect ay nagkakilala sa isang social network kung saan nabuo ang isang love-affair sa pagitan nila, hanggang sa panghawakan ng una ang pangako ng huli na siya ay papakasalan.
Dahil dito, noong Feb. 28, 2015, ipinagkaloob ng biktima ang kanyang sarili sa suspect sa isang lugar sa Pasig City.
Matapos nito, nang simulan ng biktima na tanggihan ang suspect ay dito na nagsimulang magbanta ang huli na ibubunyag ang kanilang sexual acts lalo na kapag hindi nagbigay ng halagang P3,000.
Dahil dito, nagpasya ang biktima na dumulog sa himpilan ng PS2 na agad namang nagplano ng isang entrapment operation sa nasabing lugar at nagresulta sa pagkaka-aresto ng suspect. Kasong robbery extortion ang kinakaharap ngayon laban sa suspect.