MANILA, Philippines – Nagpapatupad ngayon ng mahigpit na seguridad ang Pasig City Jail (PCJ) sa lahat ng dalaw ng mga preso makaraang matanggap ng intelligence reports na ilang drug personality ang umano’y nagpapasok ng ilegal na droga sa nasabing piitan.
Ayon kay P/Supt. Manuel Chan, jail warden ng PCJ, nagpatupad na siya ng mas mahigpit na anti-contraband strategies at mas istriktong inspeksyon sa lahat ng bisita na pumapasok sa bilangguan.
Sinabi ni Chan, nagsasagawa na rin sila ng random suprise “Oplan Greyhound” sa lahat ng selda.
Aniya, nagdagdag na rin siya ng mga perimeter fence o razor barbed wires sa may 1,927 square meters jail premises, gayundin ng Closed Circuit Television (CCTV) cameras.
Nauna rito, nakatanggap ng intelligence reports si Chan na may magtatangkang magpasok ng illegal na droga sa loob ng kulungan sanhi upang gumawa siya ng mga hakbang upang mapigilan ito.
May kabuuang 863 de tainees ang Pasig City Jail at 70 porsyento sa mga ito ay may kinalaman sa illegal na droga.
Pinaigting na rin ni Chan ang kanyang intelligence monitoring upang matukoy kung mayroong personnel ng Pasig City Jail na nakikipagsabwatan sa mga drug personalities na nais magpuslit ng droga
sa kulungan.
Sa ngayon, ani Chan ay kulang na kulang ang kanyang mga jail officer kaya’t nag-request na siya sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) para dagdagan ang kanyang mga tauhan.