MANILA, Philippines – Isang pulis na nakatalaga sa National Capital Region Police Office- Regional Police Holding and Accounting Unit (NCRPO-RPHAU) ang sugatan matapos barilin ng isang kilalang drug pusher sa Tondo, Maynila, iniulat kahapon.
Isinasailalim sa surgical operation sa Metropolitan Memorial Medical Center si PO1 Conceso Mirasol, Jr., 30 dahil sa bala na tinamo nito sa kaliwang hita at sa leeg..
Batay sa ulat ng Manila Police District-station 1, mismong si Mirasol na rin ang nagbigay ng pangalan ng gunman na isa umanong Rizaldy Salinas alyas “Zaldy Barabas”, ng no. 132 Dela Fuente St., Bgy. 122, Zone 9, District 1, Tondo na putok umano ang pangalan bilang drug pusher sa kanilang lugar.
Sa naging salaysay ni Mirasol, nagtungo siya sa Pacheco st, sa panulukan ng Osmeña at Lacson sts., sa Tondo upang isoli umano ang hiniram niyang scooter sa isang kaibigan nang makasalubong ang suspek at sinabihan siya na “Hinahanap mo raw ako?” “Eto na ako!”… kasunod ng pagbunot ng baril mula sa beywang at pinaputukan ng dalawang beses si Mirasol.
Agad namang sumaklolo si PO1 Mark Louie, nakatalaga din sa NCRPO-RPHAU, at dinala si Mirasol sa pagamutan.
Sa imbestigasyon, lumalabas naman na mas maaga pa ay nasa lugar na si Mirasol, taliwas sa kaniyang pahayag. Nakita rin sa closed circuit television (CCTV) footage na may nakasukbit na baril sa kaniyang beywang
Batay pa sa report na isinumite ni Supt. Redentor Ulsano, hepe ng MPD-station1, maaring ang barilan sa pagitan ng pulis at ni alyas Barabas ay may kaugnayan sa iligal na droga at matagal nang alitan dahil base sa impormasyon mula sa tserman ng Brgy. 122, si Mirasol ay kasamahan ni alyas “JR Bait” na pumatay naman sa pinsan ni alyas Barabas noong taong 2013 matapos umanong hindi mai-remit ng buo ang bayad sa kinuhang iligal na droga.
Matatandaang si alyas “Zaldy Barabas” ay napaulat kamakailan na pakay sa pagpatay naman ng isang alyas “Cabron” na isa ring lider ng sindikato ng droga sa lugar. Ibinayad ni Cabron umano sa isang “Mario Poklat” ng halagang P300,000 upang patayin si Zaldy Barabas subalit na-estafa lamang si Cabron at hindi napatay si Barabas.
Naging dahilan naman ito upang magalit umano si Cabron at hantingin si Mario Poklat hanggang sa patayin ng grupo ni Cabron sa lugar ni Mario Poklat ang pamangkin na si Charles Russel Lao, 18 anyos kamakailan.
Kinabukasan naman ay rumesbak si Mario Poklat dahil sa pagkamatay ng pamangkin at naghasik ng takot sa mga estudyante ng Magat Salamat Elementary School at MLQ Elem School, kung saan may bitbit na granada at armalite, habang nakasuot ng uniporme ng pulis.