MANILA, Philippines — Mahigit sa 1,000 pamilya ang nawalan ng tahanan sa halos limang oras na sunog na naganap naman sa isang residential area sa Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City kahapon.
Ayon kay FO3 Marvic Amasona ng Pasig Fire Department, dakong alas-8:55 ng umaga nang nagsimula ang sunog sa Bulante Dos kanto ng San Agustin St., at mabilis na kumalat sa mga kalapit na kalye dahil sa pagsabog ng mga LPG tank at nadamay maging ang palengke o talipapa sa lugar.
Ayon sa ulat, ganap na alas-10:30 ng umaga nang itaas ang sunog sa general alarm dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy.
Nahirapan ang mga bumberong kontrolin ang apoy dahil na rin sa malakas na ihip ng hangin at kakulangan ng mapagkukuhanan ng tubig, sanhi upang gumamit na lamang ng buhangin upang apulain ito.
Tumulong rin ang Philippine Air Force na nagpalipad ng helicopter para magbagsak ng tubig sa malaking sunog, lalo’t naubusan ng tubig ang ilang trak ng bumbero.
Iniulat rin na may anim na katao ang bahagyang nasugatan sa insidente kabilang ang isang bumbero at limang residente.
Idineklarang fire out ang sunog ng ala-1:25 ng hapon na sinasabing nagsimula sa inuupahang bahay ng isang Rina Dolor at nadamay ang mga kalapit pang 500 mga tahanan.
Sa inisyal na imbestigasyon, sinasabing nagmula sa napabayaang kalan na ginamit sa pagsasaing ang ugat ng sunog.
Naganap ang naturang sunog sa bisperas ng pagsisimula ng buwan ng Marso, na itinuturing na Fire Prevention Month.