Salpukan ng 2 motorsiklo: 2 rider utas, 2 angkas sugatan

MANILA, Philippines – Kapwa nasawi ang da­lawang rider kabilang ang isang sundalo matapos magsalpukan ang kanilang mga motorsiklo, habang kapwa rin sugatan ang ka­nilang mga angkas, kahapon ng ma­daling-araw sa Parañaque City.

Dead-on-the-spot sina Joey Ramos, 43, enlisted personnel ng Philippine Army, naninirahan sa Brgy. Western Bicutan, Taguig City at Jessie Manalo, 25, ng Brgy. Cupang, Muntinlupa City sanhi ng tinamong ma­tinding pinsala sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ginagamot naman sa Taguig-Pateros District Hospital ang kanilang mga angkas­ na sina Edgardo Soria Jr., 20, at Eric Cawa­ling, 29.

Lumalabas sa report na natanggap ni Senior Supt. Ariel Andrade, hepe ng Parañaque City Police, naganap ang insidente alas-3:00 ng madaling-araw sa harapan ng Honda Motors sa kahabaan ng East Ser­vice Road, Brgy. San Martin De Porres, ng naturang lungsod.

Nabatid, na minamaneho ni Ramos ang kanyang Honda XRM  (IA-1263) at angkas nito si Soria Jr., gayundin si Manalo, minamaneho ang kanyang SYM motorcycle na for registration at angkas naman si Cawaling.

Nabatid na nag-over-take si Manalo sa isang sasakyan  at nakasalubong nito ang paparating na motorsiklo na minamaneho ni Ramos. Kapwa hindi nakontrol ng mga nasawi ang preno ng kanilang sasakyan kaya nag­salpukan.

Sa  lakas ng impact, tu­milapon­ ang mga biktima, dahilan ng agarang kama­tayan nina Ramos at Manalo, samantalang malubhang nasugatan naman sina Soria Jr. at Cawaling, na kaagad na isinugod sa nasabing ospital. Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang na­turang aksidente.

Show comments