Informal settlers, sakit ng ulo ng MMDA

MANILA, Philippines – Patuloy na nagiging sakit ng ulo ng Metropolitan Manila Development Autho­rity (MMDA) ang mga naglipanang mga informal settlers sa ilang lugar ng Kalakhang Maynila.

Sinabi  kahapon ni MMDA Director Emma Quiambao, ng Flood Control and Se­werage Management Office,  na nagiging  balakid sa kanilang clean-up operation ang mga naglipanang in­formal settlers dahil hindi nila basta-basta napapaalis  ang mga ito.

Karamihan umano sa mga ito ay nakapwesto at nakaharang pa sa mga estero o daluyan ng tubig kung kaya’t hindi makadaloy  nang husto ang tubig na nagreresulta sa pagbara at pagbaha sa Metro Manila sa tuwing tag-ulan.

Partikular na tinukoy ni Quiambao ay ang ginawa nilang paglilinis sa Santo Niño Creek, Pasay City na nahirapan silang pasukin dahil punung-puno ng informal settlers.

Ngunit sa kabila nito, ayon kay Quiambao, pinilit umano nilang linisin ang lugar dahil malaking problema ang ma­idudulot nito kapag dumating ang panahon ng tag-ulan.

Nabatid na sinimulan ng MMDA noong nakaraang linggo ang paglilinis ng mga estero bilang  bahagi ng kanilang 3-in-1 clean-up operation program bilang paghahanda na rin sa  pagdating ng panahon ng tag-ulan.

Sa limang araw na ope­rasyon, umabot na agad sa kabuuang 50 truckloads ng basura ang nahakot ng ahensiya mula sa nilinis nitong estero at creek sa bahagi ng Maynila at Pasay City.

Magpapatuloy ang clean-up operation ng ahensiya sa labing-pitong lungsod sa Metro Manila hanggang sa buwan ng Hulyo bago pumasok ang panahon ng tag-ulan.

Show comments