Bus sumalpok sa bus, 12 sugatan

MANILA, Philippines - Nasa 12 pasahero ang nasugatan matapos na mabangga ng isang bus ang bus  na nasa kanyang unahan sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) sa Bgy. Wack-wack, Mandaluyong City kahapon ng madaling araw.

Sa ulat ni Mandaluyong City Traffic Constable Zeus Licup, mag-alas-5 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa southbound lane ng EDSA Ortigas Ave. sa Mandaluyong.

Sinasabing nakahinto ang Nova bus (TXY-724) sa lugar nang banggain ito sa likuran ng Roval transport (TVY-102).

Ayon sa mga pasahero, posibleng nakatulog ang driver ng Roval transport dahil sa Cubao pa lamang ay napansin na nilang kakaiba ang takbo ng sinasakyan nilang bus.

Dahil sa insidente ay nabasag ang windshield at una­hang bahagi ng Roval bus. Pawang minor injuries lamang ang tinamo ng mga pasahero.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pangalan ng driver ng Roval transport na tumakas matapos ang insidente.

Nangako naman ang pamunuan ng Roval transport na sasagutin ang gastusin ng mga nasugatang pasahero.

Ang Nova bus at Royal Transport ay sister companies na ngayon ay tinitingnan na ng mga awtoridad ang pananagutan.

 

Show comments