14-anyos, 1 pang bebot itinumba sa Maynila

Ang hindi pa nakikilalang babae na binaril at napatay sa Tondo, Maynila kahapon ng madaling-araw. Bernardo Batuigas

MANILA, Philippines – Dalawang babae kabilang ang isang 14-anyos na dalagita ang kapwa nasawi makaraang pagbabarilin ng hindi nakikilalang mga salarin sa magkahiwalay na lugar sa Port Area at Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi at kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat  ng Manila Police District-Homicide Section, sa unang insidente ay nasawi ang  biktmang si Marilou De Asis, 14, out-of-school youth, ng   Block 1, Aplaya, Baseco, Port  Area, Maynila.

Dead-on-the-spot si De Asis dahil sa tatlong tama ng bala na tinamo sa ulo, batay sa imbestigasyon ni PO3 Bernardo Cayabyab.

Naganap ang insidente dakong alas-9:15 ng gabi sa eskinita ng  Blk. 1, Dubai St., Baseco.

Inaalam pa ang pagka­kakilanlan ng gunman at motibo sa pamamaslang.

Aminado naman ang ama ng biktima na matigas ang ulo ng anak na napabarkada sa mga solvent  boys  sa kanilang lugar.

Nabatid na manganga­lakal ng basura ang mga magulang kaya hindi na na­aasikaso ang anak.

Ang ikalawang insidente ay naganap dakong alas 12:50 ng madaling-araw kahapon, sa Infanta Bridge, Velasquez St., Tondo.

Hindi pa kilala ang babaeng biktima  na inilarawan sa edad na  30-35, may taas na 5’2’’, nakasuot ng berdeng t-shirt, blue na  shorts at blue din ang sandals.

Kagyat ding binawian ng buhay ang biktima na bu­magsak sa kalye habang ang hindi kilalang suspek umano ay nagtatakbo paakyat sa tulay ng  Infanta Bridge dala ang baril na ginamit.

Patuloy pa ang imbes­tigasyon sa dalawang kaso ng pagpatay.

Kapwa dinala ang bangkay ng dalawang babae sa St. Rich Funeral para sa awtopsiya.

Show comments