MANILA, Philippines - Muling magpapatupad ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng road re-blocking ngayong weekend kaya asahan pa rin ang masikip na daloy ng trapiko sa ilang lugar ng Kalakhang Maynila partikular sa Quezon City.
Ito ang abiso kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motoristang magtutungo sa area ng Quezon City.
Nabatid na sinimulan ito alas-10:00 kagabi (Pebrero 20) at matatapos alas-5:00 ng madaling-araw sa Lunes (Pebrero 23).
Ang mga apektadong lugar ay ang Kahabaan ng Mindanao Avenue mula Mindanao Boundary hanggang Old Sauyo Road, fourth inner lane; Kahabaan ng Commonwealth Avenue, Litex Pedestrian Overpass hanggang LP Machine Works, third lane.
Kahabaan ng Batasan Road mula DSWD hanggang Payatas Road, first inner lane; kahabaan ng Congressional Avenue Extension bago Our Lady Court Subdivision hanggang Luzon Avenue, third lane at kahabaan ng C.P. Garcia Avenue mula Baluyot Street hanggang H.R. Ocampo, second lane.
Payo ng MMDA sa mga motorista na iwasan ang naturang mga kalye upang hindi maabala at maghanap ito ng mga alternatibong ruta para makarating sa kanilang paroroonan.