MANILA, Philippines - Isang negosyante ang nasawi makaraang pagbabarilin ng dalawang hinihinalang hired killer na agad ding naaresto matapos isagawa ang krimen sa lungsod Quezon, ayon sa ulat ng pulisya.
Sa ulat ng Quezon City Police District’s Criminal Investigation and Detection Unit, nakilala ang nasawi na si Michael Marcelo, 25, residente sa may Brgy. Kamias sa lungsod.
Kinilala naman ni QCPD Director Chief Supt. Joel Pagdilao ang nadakip na mga suspect na sina Salvador Furio, 27, ng Dasmariñas Cavite; at Mark de Vera, 24, ng Brgy. Calumpang, Binangonan, Rizal. Ang dalawa ay kapwa tubong-Bulusan, Sorsogon.
Sa imbestigasyon ni PO2 Julius Balbuena, nangyari ang insidente sa mismong tindahan ng biktima, alas-5:20 ng hapon.
Ayon sa kapatid ng biktima, nagtitinda umano ang kanyang kapatid nang lumapit ang mga suspect na nagkunwaring kostumer na bibili sa tindahan at nang iabot ng biktima ang binili ay saka ito pinaputukan ni De Vera, habang nagsilbing look- out naman si Furio.
Matapos maisagawa ang krimen, naglakad lamang patakas ang mga suspect, patungong Cubao, habang ang biktima naman ay itinakbo ng kanyang kaanak sa V. Luna Medical Center, pero ganap na alas-8:30 ng gabi habang ginagamot ay binawian din ito ng buhay dahil sa tama ng bala sa tiyan.
Samantala, nadakip naman ang mga suspect matapos na isang rider ng motorsiklo na nakakita sa pangyayari ang sumunod sa kanila, bago ini-report ang mga ito sa himpilan ng Police Station 9 na agad namang rumesponde sa lugar.
Narekober ng pulisya kay Furia ang isang kalibre 9mm at 56 na bala nito; isang cellphone at itim na belt bag na may lamang mga identification card habang kay De Vera naman ay isang kalibre .45 baril at dalawang magazine at 13 bala, dalawang basyo ng bala ng kalibre .45 at isang cellphone.
Inamin ng mga suspect ang pagpatay kay Marcelo sa pagsasabing ginawa nila ang krimen matapos aluking babayaran ng halagang P50,000.
Isa umanong alyas Romy ang umupa sa kanila para gawin ang krimen dahil sa utos din umano ng isa pang pulis na may galit sa biktima dahil sa pambabastos umano nito sa syota niyang nurse kapag dumadaan sa tindahan nito.
“Basta po ang narinig lang naming sinabi ni Romy, kapag daw dumadaan ’yung babae (nurse) ay binabastos ng biktima, minsan inaaya raw sa hotel, kaya nagagalit yung pulis,” sabi ni De Vera.