Sekyu dinedo ng kabaro

MANILA, Philippines – Utas ang isang security guard makaraang barilin ng isa ring sekyu dahil sa pagtatalo sa kanilang duty sa lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, ang biktima ay nakilalang si Victor Abadina, ng Marvan security Agency at residente  ng  Pajo St., Project 2 sa lungsod.

Arestado naman ang suspect na si Melquisedec Tala­boc, 25, ng Caloocan City.Sa pagsisiyasat ni PO3 Butch Guerrero, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa may Lyric Olano Florentina Bldg. sa Brgy. Paang Bundok, La Loma sa lungsod, ganap na alas-8 ng gabi.

Bago insidente, sinasabing nagtalo umano ang dalawa dahil sa kanilang mga duty kung saan madalas umanong nale-late ang suspect na ikinagagalit ng biktima.

Sa gitna ng pagtatalo, biglang nagbunot ng baril ang suspect saka pinaputukan ang biktima na tinamaan sa balikat.

Bagama’t sugatan, nagawang makatakbo ng biktima patungo sa isang mamihan pero sinundan pa siya ng suspect at muling binaril sa ulo na siyang ikinamatay nito.

Samantala, nakarating naman agad sa tropa ng Police Station 1 ang insidente at agad na rumesponde na siyang dahilan para madakip ang suspect, saka itinurn-over sa himpilan ng CIDU.

Show comments