MANILA, Philippines – Nagwakas ang buhay ni Mark Soque, ang naarestong suspect na responsable sa serye ng panghoholdap, panggagahasa at pagpatay sa isang Koreana, matapos tangkaing mang-agaw umano ng baril sa isang policewoman habang nasa inquest proceedings sa Hall of Justice sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Si Soque, 29, ay nagawa pang isugod ng mga awtoridad sa ospital, pero binawian din ng buhay, ayon kay Chief Insp. Rodel Marcelo, hepe ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit. Nangyari ang insidente sa may 4th floor ng Hall of Justice ng city hall sa Brgy. Central ganap na alas-11:25 ng gabi.
Bago ito, dinala ng tropa ng CIDU ang suspect sa lugar para sa inquest proceedings na may kaugnayan sa kasong robbery, robbery with homicide at rape, na kinakasangkutan nito.
Matapos ang inquest, habang binibitbit ng babaeng parak na si PO2 Juvy Jumuad, na nagsilbing escort ng suspect, bigla umanong tinangkang agawan ng baril ng huli ang una sanhi upang magpambuno ang mga ito. Sa kainitan ng agawan ng baril, aksidenteng pumutok ito at tinamaan si Soque sa baba na naglagos sa ulo. Nabatid na isang karatista ang pulis.
Naitakbo pa ito sa pagamutan subalit idineklara ring dead- on-arrival.
Matatandaang si Soque ay naging pangunahing suspect sa serye ng pag-atake sa iba’t ibang business establishments kung saan pinaghuhubad at iginagapos nito ang mga biktima saka ikinukulong sa banyo, matapos limasin ang mga gamit at pera nito.
Si Soque rin ang itinuturong bumaril at nakapatay sa Koreana na si Mi Kyu Park at panghahalay sa tatlo pang biktima nito.
Tuluy-tuloy naman ang pagtugis sa sinasabing isa pang kasamahan ni Soque sa krimen.