Dalaga utas sa nanloob na rapist

File photo

MANILA, Philippines - Patay ang isang magandang service crew ng kilalang food chain makaraang pagsa­saksakin ng isang hindi pa nakilalang lalaki nang manlaban ang una sa tangkang pangga­gahasa ng huli sa Sta. Mesa, Maynila, kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang biktima na si Ara Villaruel, 23, dalaga,  residente ng  Sta. Mesa, Maynila at tubong-Calatagan, Batangas.

Ang suspek, batay sa testigo, ay inilara­wang nasa 5’2’’– 5’4’’ ang taas, ka­tamtaman ang pangangatawan, 26-30 ang edad, nakasuot ng t-shirt na puti at checkered short pants.

Sa imbestigasyon ni PO3 Marlon San Pedro ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-3:40 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa bahay nito.

Sa salaysay ng kapatid na babae ng bik­tima na si Erica, 20, natutulog umano siya at dalawa pang kamag-anak sa itaas ng inu­upahang apartment nang marinig ang komosyon sa ibaba kung saan natutulog umano sa sofa ang biktima.

Nang bumaba siya ay nakita niyang nagmamadaling tumakas ang nasabing suspek habang ang kapatid ay duguan na sa lapag.

Agad na isinugod ang biktima sa Our Lady of Lourdes Hospital subalit hindi rin naisalba ang buhay nito.

Ayon sa ulat, habang natutulog ang biktima ay kinalas ng suspek ang mga jalousie ng bintana at doon idinaan ang kamay para madukot ang lock sa pinto.

Tulog ang biktima at posibleng nagulat ito hanggang sa nanlaban sa suspek na posibleng nais itong gahasain subalit sa pagpalag ay sinaksak siya ng dalawang beses sa katawan at isa sa tapat pa ng ari.

Show comments