Van vs truck, 5 sugatan

MANILA, Philippines – Lima katao ang sugatan makaraang magsalpukan ang isang truck at closed van sa may Barangay La­ging Handa, lungsod Quezon kahapon ng madaling araw.

Sa inisyal na ulat, ang mga sugatang biktima ay nakilalang sina Joseling Rob­les, driver ng elf close van; Ronnie Pedelino, Randy dela Cruz, mga pahinante ng van; Joel Macababayao, driver ng gar­bage compactor truck, at Robert Rodel, pahinante ng truck.

Nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Roces Ave­nue, corner Scout Tobias, sa lungsod ganap na alas-4:55 ng madaling araw.

Sinasabing binabaybay ng closed van na may kargang gulay at prutas ang northbound lane ng Roces Avenue nang biglang makasalpukan nito ang truck na tatawid sana sa Roces Avenue galing ng Scout Tobias.

Nagtamo ng mga sugat at galos sa katawan ang mga biktima na agad namang tinu­lungan ng mga barangay tanod na sina Antonio Pastor, Nestor Luna, Emmanuel Tolentino at Ricardo Laxamana, at isinugod sila sa East Avenue Medical Center para malapatan ng lunas.

Samantala, nagsasagawa na ng pagsisiyasat ng traffic police upang matukoy kung sino ang may pananagutan sa nasabing insi­dente.

Show comments