MANILA, Philippines - Tukoy na umano ng National Bureau of Investigation (NBI) ang responsable sa pag-upload ng video na nagpapakita sa brutal na pagpaslang sa mga miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa Mamasapano, Maguindanao.
Ayon kay Ronald Aguto, head ng NBI Cybercrime Division, hinihinalang mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang nasa likod ng pag-upload ng video.
Nabatid na apat hanggang limang larawan ang kanilang na-enhance mula sa nasabing video na ini-upload sa Youtube kung saan makikita ang walang awang pagbaril pa sa isang miyembro ng SAF na noon ay sugatan na at kumalat sa social media.
Sinabi pa ni Aguto na tinanggal na ang naturang video sa Youtube subalit bago pa man ito maalis ay nakapag-save na ang NBI ng kopya o ebidensya laban sa mga suspek na hinihinalang miyembro ng MILF.
Ipapadala ng NBI ang mga larawan sa Department of Justice (DOJ) para masampahan ng kaukulang kaso ang mga sangkot sa massacre.
Paliwanag ng opisyal, nilabag ng mga nag-upload ng video ang Cybercrime Prevention Act of 2012 dahil isang maselang video.
Bukod sa nasabing ebidensya, tutulak din ang NBI sa pinangyarihan ng bakbakan upang kumuha pa ng karagdagang ebidensya na maaaring isampa laban sa mga MILF at BIFF.