MANILA, Philippines – Naniniwala si Manila Mayor Joseph Estrada na pangangalap lamang ng pondo ang layunin ng mga rebeldeng grupo kaugnay ng pagpasa sa Bangsamoro Basic Law (BBL).
Sa kanyang pagdalo sa oathtaking ng mga bagong dentista sa Manila Hotel, sinabi ni Estrada na pondo ang kailangan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) upang mas mapalakas pa ang kanilang grupo.
Posible aniyang mag-iipon ng mga armas at kagamitan ang MILF para sa pagsasakatuparan ng kanilang mga plano laban sa mga sibilyan. Wala umano sa plano ng MILF ang tunay na diwa ng kapayapaan na tulad na rin ng nais na maisakatuparan ng pamahalaan.
Nagsisimula na naman umano ang MILF na gumawa ng kanilang mga armas at pampasabog gayundin ang kanilang pangangalap ng kanilang mga kasapi.
Nagtataka lamang si Estrada kung bakit kinukuwestiyon ng Bangsamoro ang pagpasok ng mga kapulisan at sundalo samantalang nasa hurisdiksyon pa rin ito ng Pilipinas.
Hindi umano matatapos ang mga kahilingan ng mga rebeldeng grupo kung pagbibigyan ng pamahalaan ang lahat ng mga kahilingan ng mga ito. Aniya dapat na ang mga ito ang sumunod sa pamahalaan at hindi ang pamahalaan ang susunod sa kanila.
Inihalintulad ni Estrada ang sitwasyon sa tungkulin ng mga dentista. Aniya, paglalagay lamang ng pasta ang maaaring gawin kung maayos pa ang ngipin, subalit kung bulok, na dapat na itong bunutin. Ilang ulit na rin namang nakipagkasundo ang pamahalaan sa mga rebelde subalit madalas na nilalabag ng mga rebelde ang kasunduan.