Chinese trader, tinarakan ng sinibak na helper

MANILA, Philippines – Nasa kritikal na kondis­yon ang isang Chinese trader­ matapos itong saksakin ng dati nilang helper na kanilang sinibak sa trabaho kama­kalawa sa Pasay City.

Kinakailangang suma­ilalim sa maselang operas­yon sa San Juan De Dios Hospital ang biktimang si Xu Wan Yu, 19, dalaga, ng Taft Avenue ng naturang lungsod dahil nakabaon pa sa likod nito ang patalim na pinangsaksak dito.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na si Michael Mabugnon, alyas Tangkad, 32, tubong Brgy. Cacay Ronabor, Tubod, Lanao del Norte, ng Brgy.  184, Maricaban, Pasay City.

Lumalabas sa imbestigasyon nina SPO3 Allan­ Valdez at PO3 Lorene Osias­,  ng Station Investi­gation Detective Management Branch (SIDMB), Pasay City Police, naganap ang insidente alas-4:48 ng hapon sa Sunny Line Shopping Center, ang tindahang pag-aari ng biktima at ng kapatid nitong si Wan Fan Su, na mata­tagpuan sa Taft Avenue ng nasabing lungsod.

Nabatid na sinibak sa trabaho ang suspek ng kapatid ng biktima na si Wan Fan Su bilang helper sa kanilang tindahan.

Pumunta ang suspek sa tindahan ng magkapatid para kunin ang separation pay nito, subalit nabigo ito.

Kung kaya’t sa galit ng suspek ay binunot nito ang nakatagong patalim at inundayan ng saksak sa likod ang nasabing biktima.

Matapos ang pananaksak ay mabilis na tumakas ang suspek. Patuloy pa ring iniimbestigahan ang naturang insidente.

Show comments