Truck helper, nagbigti

MANILA, Philippines – Winakasan ng isang truck helper ang sariling buhay makaraang magbigti sa tinutuluyang bahay sa Caloocan City, kama­kalawa ng ma­daling-araw.

Nakilala ang nasawi na si Maverick Rimetio, 25, at pansamantalang nanunuluyan sa Brgy. 140 Bagong Barrio, ng naturang lungsod.

Sa ulat ng pulisya, na­diskubre ang sinasabing pag­pa­patiwakal ng biktima ng kasamahan nito na si Alberto Boter, 28, naninirahan din sa naturang lugar.

Ayon kay Boter, huli niyang nakitang buhay si Rimetio gabi ng Linggo sa kanilang inuman sa tapat ng tinutuluyan nilang bahay. Nauna umanong umalis sa inuman si Remetio.

Nang umuwi na siya dakong alas-2 ng madaling-araw, dito na niya nakitang nakabigti si Rimetio gamit ang isang electrical wire na ipinulupot sa kahoy na biga.

Inaalam ngayon ng pu­lisya ang posibleng dahilan ng pagpapatiwakal o kung may naganap na foul play sa in­sidente.

Show comments