Bebot napagkamalang police asset, itinumba

MANILA, Philippines - Sa loob mismo ng tinutuluyang bahay pinaslang ang isang babae na posibleng pinagkamalang police asset na binaril  ng isang kilalang tulak ng iligal na droga, kamakalawa ng hapon sa Valenzuela City.

Nagtamo ng tama ng bala sa mukha at balikat sanhi ng kanyang kamatayan ang nasawi na si Diana Rose Capiza, 27, ng Packweld Village, Brgy. Marulas, ng naturang lungsod.

Pinaghahanap naman ngayon ang nakatakas na suspek na nakilala sa alyas Bok, isang kilalang tulak ng iligal na droga sa Brgy. Gen. T. De Leon.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang pamamaril dakong alas-4:30 ng hapon sa may Gumamela Ext., Brgy. Gen. T. De Leon, ng naturang lungsod.

Walang sabi-sabing pumasok umano sa bahay ang suspek na nakasuot ng jacket na may hood at bonnet.  Agad nitong pinaputukan nang malapitan ang biktima at kaswal na nagtungo sa kanyang motorsiklo saka tumakas.

Nakilala naman ng ilang saksi ang suspek nang magtanggal ito ng hood at bonnet bago tumakas. Ayon sa pulisya, posibleng pinagkamalan na asset ang biktima dahil sa katatapos lang na anti-drug raid sa lugar kamakailan.

 

Show comments