MANILA, Philippines - Patay ang isang Koreana makaraang barilin ng isang lalaki sa isang insidente ng holdap sa lungsod Quezon, kahapon ng hapon.
Ayon kay Senior Chief Insp. Maricar Taqueban, Public Information Officer ng Quezon City Police District, base sa inisyal na ulat ng Police Station 6, ang biktima ay nakilalang si Mi Kyung Park, 40, residente ng Eastwood Regrant Tower, Brgy. Bagumbayan sa lungsod.
Habang ang suspect na nakasuot ng bullcap, itim na short pants at armado ng baril ay agad na naglakad papalayo sa lugar makaraang isagawa ang krimen.
Sa inisyal na ulat, nangyari ang insidente sa loob ng Beanleaf Restaurant na matatagpuan sa kahabaan ng Holy Spirit Drive, Brgy. Holy Spirit, ganap na ala- 1:30 ng hapon.
Bago ang insidente, hinoldap umano ng suspect ang nasabing restaurant kung saan iginapos nito ang mga kawani at kostumer saka ipinasok sa may pantry.
Habang ginagawa ng suspect ang krimen, biglang dumating ang biktima at nang makita ito ng una ay pilit siyang pinapapasok sa loob. Pero tumanggi ang huli, dahilan para mapilitang barilin ito ng suspect na siyang ikinasawi nito.
Hinala ng awtoridad may kasama pa ang suspect na posibleng naghihintay sa may labas ng restaurant.
Sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente at inaalam kung magkano ang nakuha sa shop at sa mga kostumer nito.