2 patay sa pamamaril

MANILA, Philippines – Patay ang isang lalaki makaraang barilin ng mga hindi nakilalang salarin habang namaril naman ang nagwalang kaibigan nito sanhi upang makapatay din ng kanyang ka-lugar, Biyernes ng gabi sa Caloocan City.

Nakilala ang mga nasawi na sina Jimmy Bermudes, alyas “Jimboy”, 23, binata, ng Block 15 Pamasawata Brgy. 28; at si Donato Dizon, 45, may-asawa, obrero, at residente rin ng naturang lugar.

Sa ulat ng Caloocan City Police-Station Investigation Division, dakong alas-6:30 ng gabi nang unang pagbabarilin ng hindi nakilalang salarin si Bermudes sa ilalim ng tulay ng C3 Road sa Block 15 Pamasawata, Brgy. 28 sanhi ng agad nitong pagkasawi.  Tumakas naman ang salarin makaraan ang krimen.

Nalaman naman ng kaibigan ng biktima na nakilala sa alyas na “Rala” ang pagkasawi ni Bermudes sanhi ng pagwawala nito sa kanilang lugar habang armado ng isang hindi pa mabatid na kalibre ng baril.

Minalas na napagbuntunan ang biktimang si Dizon na napadaan sa lugar at pinagbabaril ni Rala. Tumakas din ang naturang suspek habang isi­nugod sa Tondo Medical Center si Dizon ngunit hindi
na ito umabot ng buhay.

Ayon pa sa imbestigasyon, kilalang sangkot umano ang nasawing si Bermudes sa mga insidente ng pang­hoholdap at operasyon sa iligal na droga sa na­turang lugar habang hinihinalang kasamahan nito sa
sindikato ang nakalalayang si Rala.

Show comments