MANILA, Philippines - Maraming commuters ng Metro Rail Transit (MRT-3) ang naistranded kahapon ng umaga sa mga istasyon ng tren dahil sa kakaunting bilang ng tren na bumibiyahe.
Ayon kay Edgar Tongson, supervisor ng MRT-3 Command Center, 12 lamang sa kanilang mga tren ang operational kahapon ng umaga sanhi upang maraming pasahero ang maistranded at hindi kaagad makasakay.
Sinabi ni Tongson, sa araw-araw na operation nila ay 20 tren ang regular nilang idini-deploy tuwing weekdays, pero tumanggi namang magsalita kahapon kung ano ang dahilan ng pagbabawas nila ng bagon.Tumanggi rin si Tongson na sabihin kung may problemang teknikal sa MRT-3 dahil hindi aniya siya awtorisadong magbigay ng pahayag hinggil dito.
Bunsod nito ay inaabot ng hanggang 20-minutong naghihintay ang mga pasahero ng tren sa mga istrasyon bago tuluyang makasakay. Magugunita na sinabi ng pamunuan ng Department of Transportation and Communication (DOTC) na kaya nagtaas ng singil sa pasahe ang MRT at LRT ay upang mapaganda ang pagbibigay ng serbisyo sa mga pasahero.
Ang MRT-3 ang nag-uugnay sa Taft Avenue sa Pasay City at North Avenue sa Quezon City via Epifanio delos Santos Avenue (EDSA).