MANILA, Philippines – Umapela sa Department of Education (Dep-Ed) ang isang grupo ng mga guro para ipatigil ang ipinatutupad na mandatory Saturday make-up classes sa Lungsod ng Maynila.
Hiniling ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) kay Education Secretary Armin Luistro na ipag-utos na ang pagpapatigil sa Saturday make-up classes at makipag-dayalogo sa grupo.
Matatandaang nagpatupad ang DepEd ng make-up classes tuwing araw ng Sabado kasunod ng pagkansela ng klase noong bumisita sa bansa si Pope Francis noong Enero 15-19.
Ayon kay TDC national chairperson Benjo Basas, hindi sila kumbinsido na dapat magpatupad ng make-up classes dahil nakakasunod pa naman sila sa quarterly school program.
Hindi rin naman aniya nila kagustuhan ang mga naganap na class suspensions dahil ang pamahalaan ang siyang nagdeklarang holiday sa mga naturang araw.
Sinabi naman ni Luistro na ipinauubaya na niya ang isyu sa diskresyon ng mga field officials o ng mga Schools Division Superintendents (SDS) para resolbahin ang naturang usapin.