‘Padyak boy’ utas sa kabaro
MANILA, Philippines - Patay sa saksak ang isang 38-anyos na pedicab driver na nagawa pang maibunyag sa kaniyang live-in partner kung sino ang salarin bago tuluyang malagutan ng hininga, sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Bagama’t namatay noon din si Brian Macasadia dahil sa dalawang saksak sa dibdib, nagawa pa nitong maibulong sa kanyang live-in partner na si Sheilah Gail Grabador ang suspek na si Ar-Ar Panicam, nasa 25-30 anyos at residente ng Gate 5, Parola Compound, Tondo. Hinahanting na ngayon ito ng mga awtoridad.
Sa ulat ni SPO3 Glenzor Vallejo ng Manila Police District-Homicide Section, bandang ala-1:45 ng madaling araw nang maganap ang pananaksak sa bangketa na sakop pa ng MICP compound ng Pier 2, North Harbor, Tondo, malapit sa Gate 3.
Natutulog umano ang biktima sa bangketa, kasama si Grabador, 24 at ang kanilang anak nang lapitan ng suspek at walang sabi-sabing tinarakan ng dalawang ulit ito sa dibdib.
Tumayo pa ang biktima at nagawa pang makahakbang ng ilang metro upang magpasaklolo subalit bumagsak ito at tuluyang bumulagta sa sementadong kalye.
Nagising si Grabador at sinabi dito kung sino ang umatake ng saksak sa kaniya dahil nakatakas na ang suspek.
Alitan umano sa pedicab ang matagal nang namamagitan sa dalawa.
- Latest