MANILA, Philippines – Hinahanap pa rin ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard ang isang babae na nakasuot lamang ng bra at panty na tumalon sa maburak at maruming ilog ng San Juan kahapon ng tanghali.
Hanggang sa ngayon ay hindi pa natatagpuan ng mga frogmen ng PCG at search and rescue team ng San Juan ang babae na inilarawang nasa edad na 22-25, maganda ang pangangatawan, kayumanggi at tinatayang may taas na 5’1-5’3.
Ayon kay SPO1 Marcelo Marinyan, imbestigador ng San Juan police, dakong alas-12:10 ng tanghali nang makatanggap sila ng tawag sa telepono at sinabing isang babae ang tumalon sa ilog sa Bgy. Progreso sa Lungsod.
Sinabi naman ni Menchu Sto. Domingo, chairwoman ng Bgy.Progreso, umakyat sa pader at dumaan pa sa bubong ng kanilang barangay hall ang babae na naka-bra at panty lamang saka tumalon sa ilog.
‘Pagkatalon niya sa ilog ay nakita pa ng maraming bata ang babae hanggang sa unti-unting lumubog at hindi na makita, kaya humingi kami ng tulong sa PCG para siya hanapin, pero hanggang ngayon ay hindi pa siya nakikita na posibleng namatay na dahil puro putik at burak ang ilalim ng ilog namin na iyan” sabi ni Sto Domingo.
Hinala si Sto. Domingo na posibleng may diprensiya sa pag-iisip ang hindi pa kilalang biktima kaya ito tumalon sa ilog.